KABILANG na sa Association of Local Colleges and Universities (ALCU) ang Antipolo Institute of Technology (AiTECH) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, matapos igawad sa naturang kolehiyo ang Certificate of Membership noong Enero 8, 2018.  

“Malaking bagay po para sa atin na mapabilang sa samahang ito kasama ang iba pa pong pamantasan at kolehiyo sa iba’t ibang rehiyon. Naniniwala po tayo na ito ay makakatulong sa atin na mas mai-angat pa ang mga programa at serbisyo natinpara sa ating mga kabataang iskolar at ang hangarin nating mabigyan sila ng malawak na oportunidad,” pahayag ni Mayor Ynares.

Kabilang sa kagandahan ng pagiging miyembro ng ALCU ang pagkakaroon ng gabay mula sa nasyunal na ahensya ng gobyerno pagdating sa usapin sa tertiary education at ang pagkakataong makapag-apply at makatanggap ng scholarship grants at assistance para sa mga programa at proyekto ng kolehiyo.

Kasama din ang University of Makati, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina at Pamantasan ng Lungsod ng Pasig sa mga paaralang ALCU-accredited.

Sa kasalukuyan, may halos 200 na iskolar ang AiTECH na binubuo ng Senior High School at College students.

Kabilang ang AiTECH sa Commission on High Education (CHED) accredited Higher Education Institutions (HEI) sa buong bansa. Noong Pebrero 2017, ginawaran din ito ng Certificate of Accreditation ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang Competent Assessment Center for Technical Drafting.

Ang AiTECH ang tanging kolehiyo sa Pilipinas na nag-ooffer ng kursong Bachelor of Science in Construction Engineering (BSConE).