KABILANG ang Public Employment Services Office (PESO) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, na kinilala at binigyan papuri ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa regular na pagsusumite nito ng Monthly Employment Reports (MERs) sa tamang oras. Ilan sa magandang epekto nito ang pagkakaroon ng kumpletong impormasyon kung anong mga trabaho ang kailangan ng mga jobseekers gayundin ang mabilisang pagtugon dito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga job coaching, local recruitment activities, at job fairs.   

“Aking binabati ang opisina ng PESO dahil sa kanilang dedikasyon at mahusay na serbisyo publiko. Nawa’y maging inspirasyon ito sa atin upang mas paghusayan pa ang ating trabaho dahil ang ating mga ginagawang malasakit sa mamamayan ay siguradong may magandang kahihinatnan,” sabi ni Mayor Ynares.

Isinusumite ang mga nasabing reports tuwing ika-25 ng buwan at napagtagumpayan ito ng PESO sa buong taon ng 2017. Nakapaloob sa mga nasabing reports ang Job Vacancies Solicitations, Applicants Registered, Job Vacancies Placed at Marketing Analysis ng naturang opisina.

Nagpapasalamat din ang DOLE sa pamahalaang lungsod dahil sa suporta at agarang aksyon nito upang mapalakas ang Labor Market Information (LMI) sa rehiyon.

Dagdag patunay pa sa kagalingan ng opisina ang naisagawang 7 job fair noong 2017 kung saan nabigyan ng oportunidad na makahanap ng trabaho ang 6, 271 job seekers.