PAGPAPALAKAS ng mga kooperatiba at negosyo sa lungsod ang tinutukan ng Antipolo City government, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa isinagawang Antipolo City Cooperative and Development Council (ACCDC) Planning and Meeting noong Enero 6, 2018 sa Antipolo City Hall. Katuwang ang City Cooperative and Livelihood Office (CCLO), dumalo ang iba’t ibang kooperatiba sa lungsod para mapag-usapan ang mga epektibong paraan upang mapanatiling maayos ang pangangasiwa ng kanilang grupo.

“Tayo-tayo rin ang magtutulungan para sa ikalalago ng ating pamayanan. Dahil dito, makakaasa kayo na ang pamahalaang lungsod ay kabalikat at karamay ninyo sa patuloy na pag-angat ng lahat ng kooperatiba at mga sektor na konektado dito sa lungsod,” sabi ni Mayor Ynares.

Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang mga programang naisagawa noong 2017 at mga susunod na hakbang at plano ngayong taon kabilang na ang investors forum, trade fairs, workshops, capability building programs at seminars na makakatulong sa pagpapatibay sa pamamahala at pagpaparami ng kooperatiba sa Antipolo.

Dumalo din ang ilang kawani ng Department of Science and Technology – Provincial Science and Technology Center (DOST-PSTC) upang ipaabot ang kanilang suporta sa mga plano ng pamahalaang lungsod para sa mga kooperatiba gayundin ang programang scholarship grants na handog ng departamento.          

Patuloy pa ang mga programa ng pamahalaang lungsod na tutulong at magbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga kooperatiba at kanilang mga kasapi kagaya ng Education Training, Cooperative Orientation, Coop Assistance at Monitoring for Newly Developed Cooperative.