PINARANGALAN ng Department of Education (DepEd)-Antipolo at ng Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares ang mga natatanging guro na nagpakita ng angking husay at dedikasyon sa kanilang propesyon sa idinaos na Hamaka Award of Excellence 2018 sa Assumpta Theatre, Assumption College noong Pebrero 2, 2018. Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-15 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng DepEd-Antipolo.

“Malaki po ang utang na loob natin sa ating mga titser sapagkat hindi lamang nila tayo tinuruang bumasa at sumulat kundi sila rin po ang nagsisilbing pangalawa nating magulang kapag tayo ay nasa labas ng ating mga tahanan. Nais po nating gamitin ang pagkakataong ito upang sila ay pasalamatan sa kanilang walang kapantay na sakripisyo. Ipinagmamalaki po namin kayo,” pahayag ni Mayor Ynares.

Kinilala bilang Most Outstanding Elementary School Teacher si Ms. Julieta Angeles mula sa Juan Sumulong ES, Most Outstanding Senior High School Teacher si Mr. Paul Gence Ocampo mula sa San Roque NHS, Most Outstanding Secondary Principal si Mr. Virgilio Paat Jr. at Most Outstanding Elementary Principal naman si Ms. Mary Jane Halili mula sa Lores Elementary School.

Binigyan din ng parangal ang mga gurong nagsilbi ng mahabang taon sa mga pampublikong paaralan kabilang si Dr. Adelaida A. San Diego, Principal ng Antipolo National High School, na may 40 taon na sa serbisyo.

Pinangunahan nina Board Member Enrico De Guzman, Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, Konsehal Nixon Aranas at Schools Division Superintendent Dr. Rommel Bautista ang naturang awarding ceremony.

Isinasagawa naman ng pamahalaang lokal taun-taon ang programang “Numero Unong Guro” kung saan ginagawaran ng scholarship grants at laptop ang mga natatanging titser sa mga pampublikong paaralan sa Antipolo.