NABIGYAN ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ng pag-asa at posibleng pagkakakitaan ang 31 Antipolenyo sa kanilang pagtatapos ng programang Dressmaking Training noong Pebrero 5, 2018 na ginanap sa Skill Power Institute. Nakatanggap ang mga nagsipagtapos ng starter kit gayundin ng National Certificate II mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Ipinagmamalaki po natin ang lahat ng mamamayang nagtapos sa programang ito dahil ipinakita nilang walang makakahadlang sa mga taong pursigidong makapagtapos ng pag-aaral. Kami po ay buong suportang nakaagapay sa sinumang naghahangad ng mas magandang buhay,” pahayag ni Mayor Ynares.

Nakiisa at nagbigay ng makabuluhang mensahe sa graduation sina Kon. Nixon Aranas at Kon. Susan Garcia-Say, gayundin si City Cooperative ang Livelihood Office (CCLO) Program Head Amy Engalla.

Sa pagkakaisa at pagtutulungan ng CCLO at TESDA, ito na ang 2nd batch ng programa na nagsimula noong Seytembre 11, 2017. Umabot naman sa 164 katao noong 2017 ang nagdaan sa training at nakatanggap ng NC II.

Patuloy pa rin ang pamahalaang lungsod sa pagsasagawa ng mga programang magbibigay ng karagdagang oportunidad sa mga mamamayan kagaya ng Education Training, Cooperative Orientation at Coop Assistance. Kaugnay nito, sinimulan din noong Pebrero 5, 2018 ang libreng Hairdressing Orientation para sa 25 na magulang sa Brgy. San Luis.

Gaganapin naman ang graduation ng 3rd batch ng Dressmaking Training sa Pebrero 12, 2018 sa Assumption Antipolo.