PATULOY ang pag-iikot ng “Orally Fit Program” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa mga pampublikong eskwelahan upang magbigay ng libreng dental services sa buong buwan ng Pebrero at Marso. Katuwang ang Save the Children Philippines, City Health Office – Dental Division at Department of Health, halos 19,000 na mag-aaral ang target na benepisyaryo ng programa. Dahil rin sa tagumpay nito, bumida ito sa palabas na Brigada ng GMA News TV.

Ikinatuwa ni Mayor Ynares na itinampok ang lungsod sa nasabing palabas na nagbibigay kamalayan sa publiko tungkol sa mga magagandang gawain ng isang lokal na pamahaalaan. Ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa mga departamento at pribadong sektor na nagbigay suporta upang maging posible ang nasabing programa.

“Kami po sa pamahalaang lungsod ay patuloy sa pagbibigay ng libreng serbisyong medikal dahil prayoridad po sa amin ang kalusugan ng mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Orally Fit Program1

Bukod sa isinasagawang Dental Caravan, magkakaroon rin ng “Gandang Ngiti ni Lolo at Lola Contest” na tampok ang angking ganda at kagwapuhan ng mga senior citizens. Magsasagawa naman ng Poster Making, Slogan Making, Jingle Making at Sabayang Pagbigkas para sa mga mag-aaral sa elementarya at hayskul. Bilang pagtatapos ng selebrasyon, bibigyan ng parangal ang mga Orally Fit Children sa Marso 7, 2018 na gaganapin sa University of Rizal System – Antipolo.

Noong nakaraang taon, umabot sa 7,322 day care students at 11,348 kindergarten students sa mga pampublikong elementaryang paaraalan sa lungsod ang nabigyan ng preventive treatment gaya ng fluoride treatment, sealant o pasta at atraumatic restorative treatment. Taun-taon isinasagawa ang naturang programa bilang pagdiriwang ng National Dental Health Month.