“MANATILING alerto at maging maingat sa lahat ng oras,” ito ang apela ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa publiko matapos maganap ang Fire Prevention Month Kick-off Ceremony sa Sumulong Park noong Marso 1, 2018 na may temang “Ligtas na Pilipinas ang Ating Hangad, Pag-iingat sa Sunog sa Sarili Ipatupad.” Nasa 150 katao ang nakiisa sa programang may layong magmulat sa kaisipan patungkol sa responsibilidad ng mga mamamayan para mapigilan ang aksidente ng sunog.

“Ngayong Fire Prevention Month ay magtulungan po tayong lahat upang maiwasan ang sunog dahil hindi lamang ang mga bumbero ang may responsibilidad kundi ang bawat isa sa atin,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Nakiisa sa programa sina Bureau of Fire (BFP) Rizal Provincial Director Col. Antonio Sovejana IV, Antipolo Senior Fire Inspector Cesar Reyes, at Deputy Chief Operation Inspector Ronaldo Nalog.

Naging bahagi ng pagdiriwang ang isinagawang unity walk na sinundan ng banal na misa. Nagkaroon din ng blessing ng mga bagong fire truck at motorcade pagkatapos.

Katuwang ng BFP-Antipolo sa programa ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), Office of Public Safety and Security (OPSS), Antipolo Philippine National Police (PNP) at Puregold.