TALENTO sa pagguhit ng mga Antipolenya ang binida sa programa ng Soroptimist International of Antipolo (SIA) at ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, na “Live Your Dream” On-the-spot Art Contest noong Pebrero 25, 2018 sa Robinsons Mall Antipolo.

Ito na ang ika-anim na taon ng programa kung saan layon nito ang pagpapahalaga sa talentong taglay ng mga kababaihan at kabataan.

Ayon kay Mayor Ynares, nawa’y mas dumami pa ang mga programang kikilala sa angking talento ng mga kababaihan at maging inspirasyon aniya sa lahat ang hindi matatawarang sipag at kakayahan nila sa iba’t ibang larangan.

Sa pangunguna ni SIA President Charito Dolot, mayroong 15 na kababaihan mula sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod ang nagtagisan ng galing sa pagguhit sa 2 kategorya. Nakatanggap ng medalya at cash prize ang mga nagwagi sa Category 1 na sina Micaela Cruz (1st), Denice Cruz (2nd) at Reandra Ozeata (3rd). Tropeyo naman na may kalakip ding cash prize ang nakuha ni Jan Ascaño (1st), China Garbo (2nd) at Danielle Reinoy (3rd) para sa Category 2.

Magkakaroon ang mga nagwagi ng pagkakataon na mailaban sa regionals at nationals ang kanilang mga obra.