TULOY ang pag-abot ng tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa Philippine Cancer Society (PCS) sa grand opening ng 2nd Art Exhibit noong Pebrero 20, 2018 na ginanap sa SM Masinag. Sa pangunguna ng Antipolo City Culture, Art, and Tourism Promotions Office (AnCCATPO), bida ang mga likhang-sining ng 42 miyembro ng ARTipolo Group kung saan nakatakdang ibahagi ang 40% ng kikitain ng mga exhibit sa PCS.

Ani Mayor Jun Ynares, world-class talaga ang mga Antipolenyo at dapat lamang ipagmalaki. Napakagandang isipin na ginagamit din nila ang angking talento sa pagtulong sa mga kawang-gawa.

AnCCATPO ArtExhibit3

Dumalo ang artista at advocate ng PCS na si Jackie Aquino gayundin ang pintor at tagapamahala ng ARTipolo group na si Pol Mesina Jr. sa nasabing pagbubukas. Nakiisa rin sina City Tourism Office Marino Bacani, Dr. Romi Marcaida ng PCS, Kon. Arnel Camacho, Kon Robert Altamirano, at Assistant Mall Manager Matthew de Guzman.

Masasaksihan ang mga obra mula Lunes hanggang Linggo sa SM at magtatagal hanggang Pebrero 28, 2018. Bukod dito, maaari ring matunghayan ng publiko ang iba pang painting sa 1st Art Exhibit sa Rizal Provincial Capitol.