PINARANGALAN ng Rizal Provincial gov’t at ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang world-class na pagkamalikhain ng mga Rizalenyo sa ginanap na ARTbanico Competition na may temang “Inang Kalikasan, Natatanging Babae ng Bayan” noong Pebrero 28, 2018 sa SM City Masinag. Ipinakita ng 13 munisipalidad at 1 lungsod na lumahok ang kanilang pagiging malikhain at pagmamalasakit sa Inang kalikasan.

Kahanga-hanga umano ang ipinakitang talento ng mga Rizalenyo pagdating sa larangan ng sining ayon kay Antipolo Mayor Jun Ynares. Nakakabilib din aniya na punong-puno ng mga bagong ideya at umaapaw ito sa lalawigan ng Rizal.

Kabilang sa mga dumalo sina Antipolo First Lady Andeng Ynares, Rizal Vice Governor Reynaldo San Juan Jr., Region IV A - Department of Tourism (DOT) Operations Officer Marites Castro, at Rizal Provincial Tourism Officer Corazon Lacerna.

Ipinaabot din ni Rizal Governor Rebecca “Nini” Ynares ang kaniyang pagbati sa mga nakiisa at patuloy na pagsuporta sa mga programang nag-aangat ng sining.

Nagkampeyon sa ARTbanico Contest ang Tanay (1st Place), San Mateo (2nd Place), at Angono (3rd Place). Maliban dito, kinoronahan din ang Taytay (1st Place), Cardona (2nd Place), at Baras (3rd Place) sa KASAYSaya Competition kung saan nagtagisan ang mga lumahok sa galing sa pagdisenyo at paglikha ng mga tradisyonal na saya.

Bahagi ito ng opisyal na pagtatapos ng National Arts Month gayundin ng programang “YES! Sining, Kalikasan, at Tradisyon (SIKAT) ng Rizal.”