MATAGUMPAY at makulay ang ginanap na Closing Ceremony ng Antipolo City gov’t sa National Arts Month noong Pebrero 25, 2018 sa Robinsons Place Antipolo sa pangunguna ng Antipolo City Culture, Arts, and Tourism Promotions Office (AnCCATPO). May temang “An Art a Day, Keeps Cancer Away” ang programa at art exhibit na may layong tumulong sa Philippine Cancer Society.

“Ang pagdiriwang pong ito ay ‘di lamang kumilala sa mga natatanging sining ng ating lungsod kundi ito rin ang nagbigay daan para makilala ang mga tao sa likod ng kanilang obra. Patunay po ang kanilang dedikasyon at talento na kayang-kaya nating makipagsabayan sa buong mundo pagdating sa larangan ng sining,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

AnCCATPO ArtExhibit5

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing programa sina Antipolo City Tourism Officer Marino Bacani, Kon. Paui Tapales, Rizal Provincial Tourism Officer Corazon Lacerna, Soroptimist International of Antipolo President Charito Dolot at ilang opisyales ng Robinsons Place Antipolo.

Ginawaran ng cash prize na may kabuuang P7,500 ang mga nagwagi sa Category A (Grade 7-9) na sina Gabriel Inlayo (1st Place), Jeselina Nato (2nd Place), at Danier Eboja (3rd Place) gayundin ang mga nagkampeyon sa Category B (Grade 10-12) na sina Jenella Medina (1st Place), Krister Isip (2nd Place), at Dominic Fabio (3rd Place). Nakatanggap naman ng aabot sa P10,000 ang mga nagwagi sa Category C (Open) na sina Amador Inlayo (1st Place), Jayson Boron (2nd Place), at Mark Belloria (3rd Place).

Bahagi rin ng programa ang pagkilala sa mga nagwagi sa isinagawang “On-the-spot Art Contest” ng Soroptimist International of Antipolo.