SA tulong ng Antipolo City Gov’t, nadala sa ligtas na kalagayan ang 26 na menor-de-edad sa isinagawang “Oplan Linggap Kabataan sa Lansangan” noong Pebrero.

Natagpuan ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office at Office of Public Safety and Security (OPSS) na pakalat-kalat ang mga kabataan sa lansangan dis-oras ng gabi na lumalabag sa “Curfew Ordinance” ng lungsod.

Paalala ni Mayor Jun Ynares sa mga magulang na delikado kung hahayaan nilang magpalaboy-laboy ang kanilang mga anak tuwing dis-oras ng gabi dahil madalas ganitong oras nagaganap ang mga krimen. Responsibilidad aniya ng bawat magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak mula sa masasamang ehemplo. May malaking impluwensya umano ang mga nakakahalubilo nila sa lansangan at nakakatakot kung magiging dahilan ito ng pagkasira ng kanilang buhay.

Dinala ang mga kabataang nasagip sa kani-kanilang mga barangay hall saka isinailalim sa interview at counselling bago ipinatawag ang kanilang mga magulang. Dinala naman ang iba sa Lingap Kabataan Center sa Sitio Cabading kung saan binigyan sila ng pagkakataong makapagpahinga, makaligo, at makakain. 

Nasa 139 kabataan na ang nailigtas ng “Oplan Lingap Kabataan sa Lansangan” simula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.