Mahigpit na paghahanda ang ginagawa ng Antipolo City Government para sa darating na pagdiriwang ng Mahal na Araw kung saan inaasahang dodoble ang 3-5 milyong debotong nakiisa noong 2017 sa taunang Alay Lakad ngayong taon, Marso 29. Sinisigurado ng pamahalaang lokal na magiging matiwasay, makabuluhan at higit sa lahat ay malinis ang paggunita ng mga tao ng Semana Santa.

Isang makakalikasang paggunita sa Semana Santa ang nais ipaabot ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, ayon kay Mayor Jun Ynares. Hiling ng pamahalaang lungsod na mapanatili ng mga deboto at turista ang kalinisan ng lungsod. Sabi ni Mayor Ynares na kapag malinis ang kapaligiran at walang kalat ay mas ramdam ng mga namamanata at nagdadasal ang diwa ng Semana Santa.

Inaabisuhan ang mga deboto at turista na magdala ng kanilang mga sariling plastik o lalagyan ng kanilang basura at itapon lamang ang mga kalat sa mga nakatalagang basurahan. Aantabay ang mga environmental enforcers ng lungsod upang masigurong hindi lumalabag ang mga tao sa City Ordinance 2008-287.

Sinugurado na ng pamahalaang lokal na walang pundidong ilaw ng poste sa mga kalyeng dadaanan ng Alay Lakad. Magtatalaga rin ng command center, public at medical assistance booth, at police assistance desk sa mga matataong lugar. Handa na ring magbigay ng traffic advisory para sa mga motorista hinggil sa mga kalsadang isasara para sa Alay Lakad.