Nasagip ng mga kawani ng Office of Public Safety and Security (OPSS) ang isang 67-anyos na Amerikanong wala sa sarili at pagala-gala sa Barangay San Jose, Antipolo City noong Abril 12 dakong alas-8:30 ng umaga. Kinilala ang banyaga na si Danny Xavier Shrewsbury, isang retired United States Air Force Military personnel.

Ayon sa ulat ni OPSS Head PSSupt. Wenceslao Ornido, mga empleyado ng Frey Fil Corp. ang nakapansin kay Shrewsbury na naglalakad at nanghihina nang bigla ito hinimatay sa compound ng kanilang kumpanya. Agad silang humingi ng tulong sa mga OPSS na naka-duty malapit sa kanila na sila namang nagdala sa matandang kano sa Antipolo City Hospital System sa Cabading.

Sinabi ni Shrewsbury na diumano’y siya daw ay kinulong ng kanyang live-in partner na si Isabelita Garcia, 52-anyos, at ng isang lalakeng hindi niya kilala, sa isang bahay sa Sitio Kapatagan. Tatlong araw na siyang hindi kumakain at umiinom.

Dumanas ng dehydration si Shewsbury ayon sa initial findings ng doktor. Nagpag-alaman din na siya ay may post-traumatic disorder at Alzheimer’s disease.

Pinatawag naman ng Antipolo City Police Station si Garcia hinggil dito at sinamahan sa The Medical City sa Pasig kung saan ayon kay Garcia ay nandoon ang mga medical records ni Shrewsbury.