NASAGIP ng pinagsanib na pwersa ng Antipolo City Government at Philippine National Police (PNP) ang 38 menor-de-edad sa tulong ng ikinasang Oplan Lingap Kabataan sa Lansangan sa Brgy. Sta Cruz at Brgy. Cupang noong buwan ng Abril. Sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) at Office of Public Safety and Security (OPSS), layunin ng nasabing operasyon ang pagliligtas sa mga kabataang lumalabag sa Curfew Ordinance at paglalayo sa kanila sa nakabadyang peligrong dulot ng pagpapakalat-kalat tuwing dis-oras ng gabi.

Sinabi ni Antipolo Mayor Jun Ynares na ang pagpapatuloy at pagpapatupad ng Oplan Lingap Kabataan ay alinsunod sa hangarin ng pamahalaang lokal at nasyunal na siguraduhing ligtas at malayo sa kapahamakan ang mga menor-de-edad. Target din aniya ng programa ang pagsugpo sa kriminalidad na madalas kinasasangkutan ng mga kabataan.

Inilipat ang pangangalaga sa mga nasagip na kabataan sa kani-kanilang mga barangay kung saan sila na-interview. Bilang pagsunod sa tamang proseso, dinala ng CSWD ang ilang hindi nasundo ng kanilang mga magulang sa Kanlungan ng Kabataan Ext. sa Sitio Cabading, Brgy. San Jose para sa assessment.

Umabot na sa 678 ang mga kabataang natutulungan ng Oplan Lingap Kabataan simula noong 2017 hanggang ngayong taon.