BUMIDA ang nakamamanghang pagsasayaw at makukulay na kasuotan ng mga eskwelahang lumahok sa isinagawang Street Dance Competition Final Salvo ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo bilang pagsalubong sa selebrasyon ng Maytime Festival noong Mayo 1, 2018 sa Ynares Sports Center. Sa pangunguna ng Antipolo City Culture, Arts, and Tourism Promotions Office (AnCATTPO), nagtagisan ang iba’t ibang mga paaralan at kolehiyo upang maipakita sa lahat ang kanilang kagalingan sa pagsayaw gayundin ang kasiyahan ng pagdiriwang ng Maytime Festival at Pilgrimage Season tuwing Mayo sa Antipolo.

“Ito po ay isa ng taunang kompetisyon na bahagi ng pagbubukas ng aming Maytime Festival. Ipinapakita po namin dito ang makulay at masayang tradisyon ng Antipolo tuwing buwan ng Mayo. Sa pamamagitan po nito ay napapanatili nating buhay hindi lang ang turismo ng lungsod kundi pati na rin ang sining at kulturang sariling atin. Nagpapasalamat din po ako sa mga libo-libong turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo na dumadalaw sa aming lungsod upang masaksihan ito,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

CGA MaytimeFestival4

Sinimulan ang kompetisyon sa pamamagitan ng isang street dance na nagsimula sa Sumulong Park papuntang Ynares Center. Nagtagisan ng galing ang 12 na eskwelahan sa buong Antipolo na nagpamangha sa publiko dahil sa kanilang inihandang cultural presentation.

CGA MaytimeFestival5

Sa huli, itinanghal na kampeyon ang San Jose National High School na tumanggap ng P100,000 bilang papremyo. Nakatanggap naman ng P75,000 ang 1st Runner-Up San Isidro National High School. Kinilala rin ang University of Rizal System, Antipolo NHS at San Roque NHS bilang 2nd, 3rd at 4th runner up na nakatanggap ng P50,000, P30,000 at P20,000. Nakakuha naman ng special award ang Mambugan NHS para sa Best in Street Dance at San Jose NHS para sa Best in Costume.

Madami pang nakalinyang mga programa ang lungsod para sa pagdiriwang ng Maytime Festival katulad ng Suman Innovation, Queen of Antipolo, Grand Sagala, Musiclaban at iba pa.