NAGSAMA-SAMA ang mga miyembro ng Philippine Association of Disaster Risk-Reduction and Management Officers (PADRRMO) – Rizal Chapter sa lungsod ng Antipolo sa isinagawang Inter-Agency Meeting noong Abril 27, 2018 sa Antipolo City Hall. Layunin ng pagpupulong na palakasin ang seguridad at kaligtasan ng bawat bayan laban sa sakuna gayundin ang paghahanda sa iba’t ibang programang nakalinya para sa buwan ng Mayo.

“Ang pagsasama-sama nating ito ay simbolo lamang ng mas masiglang ugnayan at yumayabong pa nating samahan. Ito rin ay nangangahulugan na mas magiging matatag at mas malakas pa ang ating pwersa na sasagot sa hamon ng iba’t ibang sakuna at pangangailangan ng ating mga mamamayan,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Kabilang sa nasabing pagpupulong ang pagtalakay sa iba’t ibang istratehiyang magpapaganda pa sa serbisyo ng bawat disaster risk-reduction offices sa kani-kanilang bayan. Iniulat din nila ang kanilang mga naisagawang hakbang at pagtugon sa mga insidente para sa taong 2017.

Dumalo din sa pagpupulong ang Katadyn Group upang ipresenta ang kanilang proposal para sa water filtration equipments at PLDT-Smart Foundation na nagbahagi ng mga plano at kagamitang makakatulong sa pagtugon sa sakuna kagaya ng SOS Dispatch gamit ang Android phone, safety drones at Mobile Command Centers.

Isa rin ito sa malaking hakbang ng pamahalaang lungsod, katuwang ang iba’t ibang munisipalidad sa Rizal, para mapalakas ang turismo sa Antipolo at upang mapaghandaan ang bugso ng tao sa pagdiriwang ng Antipolo Maytime Festival ngayong taon.