NASAKSIHAN ng buong mundo ang pagbubukas ng 5th Antipolo Maytime Festival ng Antipolo City sa live coverage ng Unang Hirit ng GMA Network noong Mayo 1, 2018 sa Sumulong Park. Naging tampok sa Unang Hirit ang street dance, mga tanyag na produkto ng Antipolo gaya ng mangga, suman sa ibos, at kasoy, at mga iba’t ibang programang inihanda para sa buong buwan ng Mayo.

Ikinatuwa ni Mayor Jun Ynares na nabigyan ng pagkakataon ang lungsod na maipakita sa buong mundo ang makulay na kultura nito sa paglabas sa sikat na morning show. Ipinaabot naman niya ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng departamento gayundin sa pribadong sektor na patuloy na sumusuporta sa mga programa ng pamahalaang lokal.

Nakisaya sa grand opening ang Unang Hirit Host at TV Personality na si Boobay na nagbigay ng palaro sa pagkain ng suman gayundin ng pa-raffle para sa sari-saring papremyo. Natunghayan din ng publiko ang pambungad na sayaw ng mga mag-aaral mula sa San Jose National High School sa saliw ng Antipolo City Band.

Nakapila na ang mga programang bahagi ng Antipolo Maytime Festival tulad ng YES Inter-Barangay Booth Competition, Sarap sa Vista Bazaar, Suman Innovation, Ave Maria Concert, Maytime Festival Fashion Show, Cultural Presentation, Concierto De Mayo, Dog Show, Queen of Antipolo, Grand Sagala, Photo Contest at Musiclaban. Inaasahan ng pamahalaang lungsod ang bugso ng mga turista at deboto sa pagsisimula rin ng Pilgrimage Season sa Antipolo ngayong buwan.