NAKAHANDA na ang Antipolo City Government sa pag-akyat ng milyon-milyong turista at deboto sa Antipolo na tinaguriang “Pilgrimage Capital of the Philippines” para sa Pilgrimage Season ngayong taon matapos idaos ang “Alay Lakad para sa Kapayapaan” noong Mayo 1, 2018. Kasabay din ng naturang selebrasyon ang launching ng kinasasabikang 5th Antipolo Maytime Festival.

Ipinaabot ni Mayor Jun Ynares ang kaniyang pagbati sa lahat ng nakiisa. Aniya, ang pagsali ng mga Antipolenyo sa mga pagdiriwang gaya nito ay sumasalamin sa magandang kaugaliang taglay ng mga mamamayan gayundin sa makulay na kultura ng lungsod. Ipinaalala naman ng punong lungsod sa bawat isa na maging responsable sa kanilang pilgrimage upang mapanatili ang kalinisan ng lungsod at kalikasan.

CGA PilgrimageSeason1

Nauna nang nagtungo ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage sa dambana ng Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo Church noong nakaraang Abril 29 para sa tradisyonal na “Pagdalaw ng Ina sa Anak.”

CGA PilgrimageSeason2

Bahagi ng pilgrimage sa Antipolo ang lingguhang Novena Mass tuwing Martes, ika-5 ng hapon na susundan ng prusisyon. Magtatagal ito hanggang Hulyo 3, 2018.

Nakapila na naman ang mga programang kabilang sa Maytime Festival tulad ng Dog Show sa Mayo 19, Grand Sagala sa Mayo 20, at Musiclaban sa Mayo 26.