PINATAKAM ng giant suman art ang mga dumalo sa Suman Innovation ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo noong Mayo 4, 2018 sa SM City Masinag. Ginawang isang malaking collage na may sukat na 8x8 ft. ang mga suman sa ibos kung saan binuo ang tanyag na Antipolo Cathedral, Hinulugang Taktak, at mga native delicacies sa lungsod gaya ng suman, kasoy at mangga. Nakiisa sa naturang pagdiriwang si Antipolo First Lady “Andeng” Ynares upang magbigay ng suporta sa taunang Antipolo Maytime Festival.

“Nakakamamangha po na sa pamamagitan ng sining naipapakita natin ang likas na talento ng mga Antipolenyo kasabay ng pagbibida sa mga produkto ng lungsod na talaga naman dapat ipagmalaki sa loob at labas ng bansa,” ayon kay Mayor Jun Ynares.

Dumalo rin sina Vice Mayor “Pining” Gatlabayan at Kon. Philip Pimentel para magbigay ng mensahe ng pasasalamat.

Sa pangunguna ng Antipolo City Culture, Arts and Tourism Promotions Office (AnCCATPO), layunin ng selebrasyon na maibida ang talento at produktong talagang tatak-Antipolo. Mas nagpatingkad pa sa programa ang itinanghal na cultural dance ng San Jose National High School na nagkampeyon sa natapos na Street Dance Competition noong Mayo 1.

Bahagi rin ito ng pagdiriwang ng ika-60 na anibersaryo ng SM Group sa buong bansa.