UMABOT sa 1,131 ang nagparehistrong jobseekers sa naganap na Maytime Job Fair ng Antipolo City Government sa Vista Mall Antipolo noong Mayo 22, 2018.

Sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO), 139 na aplikante ang hired-on-the-spot habang 770 naman ang naka-schedule para sa final interview.

Hinikayat ni Antipolo Mayor Jun Ynares ang mga mamamayan lalo na ang mga fresh graduates na samantalahin ang mga job fair dahil malaking oportunidad ito para makakuha sila ng trabahong swak sa kanilang kakayahan. Aniya, bahagi ang mga tuloy-tuloy na recruitment activity ng poverty reduction strategy ng pamahalaang lungsod kung saan layunin nitong maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mamamayan. ‘Di lamang umano pinaparami ang mga programang ganito kundi pinapadali din ang proseso para mas mapabilis ang job hiring.

Ikinatuwa ng mga jobseekers ang maayos at mabilis na pagproseso ng 32 local at overseas employers sa mga job application.

Ito na ang ika-3 na job fair na nilahukan ng Antipolo City Gov’t. Pumalo na rin sa 52 Local Recruitment Activity (LRA) at Special Recruitment Activity (SRA) ang naisagawa ng lokal na pamahalaan simula noong Enero. Samantala, 2,098 katao ang nakakuha ng trabaho sa tulong ng mga recruitment activity ng PESO noong 2017.