NAKIBAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa kauna-unahang Color Me Fun Run na may temang “Lakad Takbo Alay Para sa Progreso ng Kabataang Antipoleño” na ginanap noong Mayo 26, 2018 sa San Roque National High School. Kabilang ang mga guro, estudyante, at Rotarians sa halos 150 kataong nakiisa sa programang layuning isulong ang regular na pag-eehersisyo ng mga kabataan.

“Batid po namin sa pamahalaang lungsod ang kahalagahan ng regular na pag-eehersisyo lalo na po ngayong panahon kung saan tutok ang mga kabataan sa paggamit ng gadgets. Nagpapasalamat po kami sa lahat ng mga organisasyong patuloy na nakikiisa sa pag-engganyo sa lahat na subukan ang iba’t ibang paraan ng pag-eehersisyo para sa magandang kalusugan,” sabi ni Antipolo Mayor Jun Ynares.

Dumalo at nagbahagi ng maikling mensahe sa fun run sina Kon. Paui Tapales, DepEd Officer Anselmo Celeste Jr., Rotary Club Metro Antipolo President Eduardo Bagtas, at San Roque Barangay Captain Anding Cabasbas.

Nabuo ang naturang programa sa pagkakaisa at pagtutulungan ng Rotary Club Metro Antipolo, Department of Education (DepEd), at San Roque National High School bilang bahagi ng Brigada Eskwela 2018.