BINISITA ng Munisipalidad ng Laujar de Andarax, Spain ang Antipolo City noong Mayo 22, 2018 para sa isang Lakbay-Aral upang mapag-aralan ang mayamang kasaysayan, kultura at ekonomiya ng lungsod na kilala rin bilang Pilgrimage Capital of the Philippines. Ito na ang ika-9 na local government unit na bumisita sa loob lamang ng anim na buwan para gawing paksa ang Antipolo City sa kanilang educational tour partikular na ang mga “Best Practices” nito. Matatandaang una nang bumista ang lokal na pamahalaan ng Patnanungan, Infanta, Nagcarlan, Iloilo, Clarin, Lipa, Camarines Sur at Tagum. Nagsimulang puntahan ang Antipolo para sa lakbay-aral nang kilalanin itong bilang “Most Competitive City” sa buong bansa noong Agosto, 2017.

Ikinatuwa ni City Mayor Jun Ynares ang pagbisita ng mga taga-Laujar de Andarax dahil pati pala sa ibang bansa ay unti-unti na ring nakikilala ang Antipolo. Nagpapasalamat din siya na sa kabila ng kaunlaran na natatamasa ng lungsod ngayon ay napanatili pa rin ang mayamang kasaysayan at makulay na kultura at tradisyon nito.

“Handa po kaming ibahagi sa ating mga karatig bayan at lungsod, pati na rin sa mga mula pa sa iba’t ibang panig ng mundo, ang ating mga best practices na nagdala po sa atin sa pagiging Most Competitive City,” sabi ni Mayor Ynares.

Lumagda rin si Mayor Ynares at Seňora Almudena Morales Asensio, Mayor ng Laujar de Andarax, ng isang Sisterhood Agreement na nagususulong ng kapatiran at palitan ng mga kaalamang may kaugnayan sa pagpapaunlad ng kasaysayan, kultura, edukasyon at ekonomiya.

Kasama rin sa nasabing lakbay-aral sina Vice Mayor of Laujar de Andarax Agustin Cabrera, Prof. Carlos Villoria Prieto at Prof. Valeriano Sanchez Ramos, mga historian mula sa Almeria, at Prof. Tom Harper, isa sa mga lead curator ng British Library.