NAGSAGAWA ng ocular inspection ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Hunyo 12, 2018 sa mga piling lokasyon bilang bahagi ng planong Urban Reforestration Program. Katuwang ang City Environment and Waste Management Office, binisita ng programa ang Sumulong Highway, Pinagmisahan Street, Daang Bakal at Sen. Lorenzo Sumulong Memorial Circle na may layong malaman ang mga hakbang na dapat gawin upang maparami ang nakatanim na puno gayundin ang pagpapanatili ng luntiang kapaligiran ng lungsod.

CEWMO UrbanReforestationProgram2

“Mahalaga sa atin at sa mga susunod pa na henerasyon ang kaayusan at kalinisan ng kalikasan. Ang pagtatanim ng puno ay isa sa mga hakbang na dapat natin gawin dahil hindi lang ito nakakatulong sa paglilinis ng ating nilalanghap na hangin kundi ito rin ay nagbibigay proteksyon sa atin sa mga sakuna kagaya ng pagbaha at landslides,” pahayag ni Mayor Ynares.

CEWMO UrbanReforestationProgram3

Pakay ng pagbisita sa mga nasabing lugar na mataniman ang mga bakanteng lote nito, makahingi ng clearance sa mga nagmamay-ari ng mga lupaing napiling pagtaniman, at makahanap ng mga seedlings ng endemic trees bukod sa Tipolo, Fire Trees, Golden Shower, at Kasoy na likas na matatagpuan at tanyag sa lungsod. Panukala din na mataniman ng Cadena de Amor ang mga soil protection walls na itinayo ng DPWH sa kahabaan ng Sumulong Highway, Antipolo – Teresa, Daang Bakal at iba pang kalsadang nasyunal sa lungsod.

Nakibahagi naman ang Antipolo sa isinagawang Arbor Day o National Day of Planting trees noong Hunyo 30, 2018 na ginanap sa Antipolo City Institute of Technology (AiTECH) sa Brgy. San Jose kung saan 600 Bamboo saplings ang naitanim.