SOLUSYON sa lumalalang pagbabago ng klima at pagpapayabong ng kalikasan ang naging tampok sa pagdiriwang ng taunang Philippine Arbor Day o National Tree Planting Day ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa Antipolo Institute of Technology (AiTECH), Brgy. San Jose noong Hunyo 30, 2018. Malugod na nagtulong-tulong ang 300 volunteers sa pagtatanim ng 600 bamboo saplings mula sa mga barangay, eskwelahan, pribadong kumpanya at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Mayor Ynares, ang pagdiriwang kagaya nito ay paalala sa lahat na tayo ay may malaking responsibilidad sa ating kapaligiran. Aniya, ang aktibong partisipasyon ng bawat mamamayan ng Antipolo ang susi sa matagumpay na kampanya laban sa lumalalang pagbabago ng panahon at tuluyang pagkasira ng kagubatan. Dagdag pa niya, sinisigurado rin ng lokal na pamahalaan na may mga ordinansang nakalaan para sa pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan.

CGA ArborDay1

Katuwang ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), isinagawa ang tree planting activity bilang bahagi ng National Greening Program (NGP) ng pamahalaang nasyunal at Ynares Eco-System (YES) to GREEN Program ng pamahalaang panlalawigan. Ang programa rin ang naging daan sa pagpapasinaya ng proyekto ng AiTECH na “The Bamboo Grove” at ang pagtatanim ng 60 Fire Tree, 30 Tipolo at 161 Golden Shower sa Pinagmisahan at Daang Bakal sa Barangay Dela Paz.

CGA ArborDay2

Nakiisa sa programa ang mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lokal, kasama ang mga volunteers ng Antipolo City Science and Technology High School, Pasong Palinglingan, Sapinit, Binayoyo, Inarawan Tricycle Operators and Drivers Association (PASABI TODA) at Manila Water.

Patuloy na pinaigting ng pamahalaang lokal ang kanilang mga programang pangkalikasan, kaya hindi nakakagulat nang tanghalin muli ang Antipolo bilang Grand Champion sa 2017 Manila Bayani Award - Environmental Compliance Audit (ECA) na iginawad ng Department of the Interior and Local Government.