NAGSAGAWA ng isang malawakang Dog and Cat Vaccination sa Brgy. Cupang ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, para sa buong buwan ng Hulyo upang makaiwas ang mga residente sa panganib na dala ng rabies. Sa pangunguna ng City Veterinary Office (CVO), umabot sa 3,180 alagang aso at pusa ang nabigyan ng bakuna sa nasabing barangay.

“May kaakibat na responsibilidad ang pag-aalaga ng hayop, aso man ito, pusa o iba pa. Sa hatid na serbisyo na kagaya nito ng pamahalaang lokal, masisigurado natin na makakaiwas tayo sa mapanganib at nakamamatay na rabies. Paalala ko lang po na ingatan natin ang ating mga alagang hayop katulad ng pag-aalaga natin sa ating sarili,” paalala ni Mayor Ynares.

Dinayo ng mga kawani ng CVO ang 4 na purok sa Cupang noong Hunyo 10, 11, 12 at 17 dahil sa mataas na kaso ng rabies dito. Isinasagawa rin ang pagbabakuna sa mga lugar ng Barangay Mayamot, Sta. Cruz at Mambugan dahil sa parehong kadahilanan. Target ng nasabing programa na mabakunahan ang buong populasyon ng mga aso at pusa sa lungsod dahil napatunayang epektibo ito na stratehiya sa pagkontrol at pagkalat ng rabies sa hayop at pagbibigay ng kaligtasan sa tao.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 35,610 ang nabigyan ng libreng anti-rabies vaccination sa buong lungsod ngayong taon. Bukod dito, nagbibigay din ng iba pang serbisyo ang pamahalaang lokal kabilang na ang castration o ang medikal na proseso para maiwasan ang pagdami ng mga ito gayundin ang dog trapping sa buong lungsod.

Para sa karagdagang impormasyon at schedule ng pagpapabakuna sa inyong lugar, maaaring makipagugnayan sa City Vet Office sa numerong 0927-268-8525.