PINAULAD ng Antipolo City Government ang kakayahan at kaalaman ng 80 Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa naganap na 3-Day Infant and Young Child Feeding (IYCF) Seminar noong Setyembre 25 – 27, 2018 sa Antipolo City Hall. Sa pangunguna ng City Health Office – Nutrition Division, nagkaroon ng 23 session ang programa kung saan kabilang sa mga tinalakay ang kahalagahan ng breast feeding, importansiya ng complementary feeding, at mga kadalasang problemang kinakaharap ng mga ina sa pagpapasuso.

“Mahalaga po na ang bawat kawani ng pamahalaang lungsod ay may sapat at wastong kaalaman sa kanilang mga ibinibigay na serbisyo sa publiko kung kaya’t kami po sa lokal na pamahalaan ay patuloy sa pagsasagawa ng mga skills training na may layon na i-angat at linangin ang kanilang mga kakayahan,” pahayag ni City Mayor Jun Ynares.

Bukod sa lecture, mayroon ding mga practical exercise kung saan nag-demo ang mga kawani ng Nutrition Division kung ano ang wastong paraan ng pagpapasuso at kung paano matutulungan ang isang ina na maglabas ng gatas. Tumanggap ng Certificate of Participation ang lahat ng nagtapos ng seminar.