TUNGO SA PAGIGING NUMERO UNO

“Bago natin gawin ang unang hakbang tungo sa isang daan, mahalagang alam natin kung hanggang saan natin gustong makarating.”

“Una: Destinasyon – saan tayo pupunta? Pangalawa: Direksyon – paano tayo makakarating doon? at Pangatlo: Daanan – ano ang kailangan natin para makarating tayo doon?”

Matalinhagang pananalita subalit ito ang mga patnubay ni Antipolo City Mayor Jun Ynares sa kanyang pamumuno sa lungsod ng Antipolo patungo sa pagiging Numero Uno.

Ito ang isinaalang-alang ni Mayor Ynares sa pagpili ng kaniyang “developmental thrust” kung papaano aakayin ang Antipolo sa pagbabago at progresong hinahangad.

Para kay Mayor Ynares ay kaakibat ng pag-unlad ng isang bayan ang pag-angat din antas ng kabuhayan ng mamamayan nito sa pamamagitan ng paglilingkod ng tapat at paggamit ng pondo ng bayan sa mga proyekto at programang lubusang pakikinabangan ng mga tao.

Numero Uno sa Edukasyon

Ginawa ni Mayor Ynares na abot-kamay ang edukasyon sa lahat ng kabataan ng lungsod. Ang mga kabataan ngayon sa Antipolo ay madali ng makakamit ang edukasyong pinapangarap kahit pa man nasasakloban ng kahirapan. Hinuhubog ang bawat isang kabataan na maging responsable, masipag, marunong at may dangal na bahagi ng lipunan. Binibigyan ang bawat kabataan ng pagkakataong maiahon ang pamilya sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.

Numero Uno sa Kalusugan

Bilang isang doktor, alam ni Mayor Ynares ang matinding pangangailangan ng Antipolo sa pagkakaroon nito ng sariling ospital. Sa paglaki ng populasyon ng lungsod ay kasabay din nito ang pagdami ng mga mamamayan na nangangailangan ng abot-kamay na serbisyong medikal. Hangad ni Mayor Ynares na mahandugan ang mga mamamayan ng Antipolo ng mga dekalidad na pagamutan na hindi na kailangan pang lumuwas ng Maynila upang maisalba ang buhay ng isang may sakit at; mga programang pangkalusugan na pinalawak at pinalago upang maranasan sa bawat sulok ng Antipolo.

Numero Uno sa Kapayapan at Kaayusan

Ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay isa sa mga prayoridad ng Pamahalaang Lungsod upang maisulong ang pag-unlad ng Antipolo. Nais baguhin ni Mayor Ynares ang dating mukha ng Antipolo na magulo at mataas ang krimen. Sa tulong ng mamamayan at mga programang magtatag sa seguridad ng bawat isa, muling makikilala ang Antipolo na isang bayang matiwasay, tahimik at maunlad.

Numero Uno sa Kabuhayan

Isa sa mga pangunahing programa ni Mayor Ynares ang pagbibigay ng sapat na oportunidad pangkabuhayan sa mga taga-Antipolo. Bukod sa mga programang maglilinang sa kakayahan at kapasidad ng mamamayan katulad ng livelihood programs, job fairs at skills matching, gagawin din kaaya-aya ang lungsod para sa paglago at pagpasok ng iba’t ibang negosyo at komersyo na siya ring pangunahing pinagmumulan ng mga trabaho.

Numero Uno sa Pag-aalaga ng Kalikasan

Palalakasin ni Mayor Ynares ang mga adbokasiya na magpapayabong at magbibigay proteksyon sa kalikasan. Ang mga dating likas na yaman ng lungsod na napabayaan ay muling bubuhayin at pagagandahin. Magpapatupad ng mga plano, batas at polisiya na mahigpit at epektibong tumutugon sa pangangalaga sa kalikasan gayundin sa tamang pangangasiwa sa malawak na lupain ng Antipolo.

Numero Uno sa Pampublikong Imprastraktura

Ang buwis na ibinabayad ng mamamayan ng Antipolo ay ilalaan sa pagpapagawa ng mga pampublikong imprasktraktura para higit ang pagbibigay ng Pamahalaang Lungsod ng serbisyong pampubliko na inaasahan ng komunidad katulad ng mga ospital at mga paaralan. Ang pagpapabago at pagpapalawak ng mga imprastraktura ay suporta na rin ni Mayor Ynares sa lumalaking ekonomiya ng Antipolo upang mas makaganyak ng mga mamumuhunan na nais magtayo ng negosyo sa lungsod na siyang maghahatid ng trabaho at dagdag kita sa ekonomiya ng lungsod.